Kabanata 49: Coffee Crumble
Mainit ang hapon pero presko ang simoy ng hangin sa maliit na parke sa tabi ng health center. May mga bata sa background na naglalaro, mga lolo’t lola na naglalakad, at sa gitna ng lahat, andun sila—buo, kahit pa sugatan.
Nakaupo si Ysay sa monobloc chair, suot ang payak pero maaliwalas na bestida. Medyo maputla na ang kutis, manipis na ang buhok, pero nandoon pa rin ‘yung ningning sa mga mata—kahit pa may mga araw na nakakalimutan na niya kung bakit sila nandoon.
“Ma,” bungad ni KC habang iniabot ang isang ice cream cone, “ayan oh, coffee crumble. Naalala mo? Paborito mo daw ‘to sabi ni Papa.”
Tumitig si Ysay sa cone. Saglit lang… pero ngumiti siya. Parang bata na biglang may naalala.
“Ay oo nga,” bulong niya. “Masarap ’yan… nilalagay ko pa dati sa tinapay.”
“Tama nga ako,” sabay sabit ni Jae Ann ng isang mainit-init na pandesal. “Oh, Ma. Gawin mo ulit.” Medyo nanginginig ang kamay ni Ysay habang inaabot ito, kaya inalalayan siya ni Angelique, tahimik lang, pero may yakap sa mga mata.
Sa tabi nila, si Aling Ana buhat si baby Samantha, yakap-yakap, tulog pa rin sa gulo ng mundo. Tahimik, payapa, parang musika.
Tapos dumating si Ramil.
Dumiretso siya kay Ysay, lumuhod sa harap nito, saka siya hinalikan sa noo—mahina, mabagal, parang dasal.
“Sayo ’yung pinakamarami, gusto mo, love?” bulong niya habang inaayos ang upuan sa gilid ni Ysay.
Ngumiti si Ysay. “Gusto ko…” Tumingin siya kay Ramil. “Pero ikaw ang gusto ko, hindi lang ice cream.”
Nagkatawanan ang mga bata, pero may luha sa mga mata ni Jae Ann, na mabilis niyang pinunasan. Si KC, sinubukang gawing biro.
“Hala Papa, lagot ka kay Mama. Ikaw na ulit ang paborito.”
“Ako pa rin naman dapat,” biro ni Ramil sabay kindat sa asawa.
Ngayon, kahit hindi alam ni Ysay ang buong kwento, kahit hindi niya alam ang pangalan ng ilan sa kanila, sa sandaling iyon…
Naalala niya kung paano magmahal.
ns216.73.216.148da2