Kabanata 50: Habang Nandito Pa Ako
Tahimik ang gabi. Walang TV, walang radyo. Tanging ang tunog ng kuliglig sa labas at mahina, paminsan-minsang iyak ni baby Samantha mula sa kwarto ang pumupunit sa katahimikan. Sa sala, apat na magkakapatid ang nakapalibot sa ama nila, si Ramil, na hawak pa rin ang basong may lamang malamig na tubig—ngunit hindi na niya nainom.
"Pa..." mahina ngunit diretsong tanong ni KC habang nakatingin sa sahig, "kung... wala na si Mama... hindi na ba kami titira ni Angelique dito?"
Napatigil si Ramil. Napatitig siya sa panganay na lalaki ni Ysay. Sa tagal ng panahon, anak na anak na niya ito—hindi kailanman naging "anak ng iba."
"Sino naman nagsabi niyan, Kuya?" mahina ngunit matatag na tanong niya. "Anak ko kayo. Anak namin kayo ni Mama n’yo. Dito ang bahay natin. Bakit n’yo kailangang umalis?"
Sumingit si Angelique. Mababa ang boses, nanginginig.
"Baka kasi... kunin kami ni Henry, Papa..."
Hindi na niya natapos. Tumulo na lang bigla ang luha sa pisngi niya, at mabilis siyang niyakap ni Jae Ann. Si KC naman, tinapik ang likod ng kapatid.
Tumayo si Ramil, lumuhod sa gitna nila, at isa-isang hinawakan ang kamay ng kanyang mga anak.
"Hindi ko hahayaan mangyari ‘yan, anak," mariing sagot ni Ramil. "Nilaban nga tayo ng Mama n’yo, ‘di ba? Nilaban niyang buo tayo, buong pamilya. Hindi ko hahayaan na magkahiwa-hiwalay tayo. Hindi. Hindi yun mangyayari. Magagalit si Mama n’yo sa akin."
Tahimik. Mabigat ang hangin.
"Pa..." si Jae Ann naman ngayon. Mahina, parang may alinlangan. "Sabi ni Mama sa voice record… wag ka daw matakot magmahal. Ibig ba sabihin nun... mag-aasawa ka ulit?"
Napayuko si Ramil. Napangiti—pero may luha sa mata.
"Never." buo niyang sagot. "Hindi ko papalitan si Mama n’yo."
Huminga siya nang malalim, saka tumingala sa kisame, parang doon niya gustong tumingin habang sinasabi ang susunod.
"Pag sakaling kunin siya ni Lord sa atin… sasabihin ko kay Lord na, alagaan muna siya pansamantala… habang wala pa ako doon. Kasi magagalit din naman si Mama n’yo ‘pag sumunod ako kaagad. Wala nang mag-aalaga sa inyo dito, ‘di ba?"
Tahimik ang buong sala. Pero hindi ang puso nila.
KC. Jae Ann. Angelique. At si baby Samantha na tulog pa rin sa kwarto. Lahat sila, isa-isang tumulo ang luha. Pero ngayon, sabay sabay nilang naramdaman:
Hindi sila iiwan.
Hindi sila mawawala.
At habang may isa pa sa kanilang nakatayo, habang may isa pa na lumalaban… buo pa rin sila.
ns216.73.216.148da2