11Please respect copyright.PENANAIIo3uQTHD5
Tahimik ang kusina. Kumukulo ang sabaw ng munggo, pero hindi iyon ang dahilan kung bakit mainit ang paligid. Sa labas, naririnig ang huni ng mga kuliglig. Pero sa loob ng bahay, ang katahimikan ay parang isang pader—matigas, malamig, at tila hindi kayang basagin kahit ng salita.
Nasa harap ng lababo si Martha, nakatayo, nakatalikod. Hawak niya ang isang platitong may kapirasong asin—‘di para sa lasa kundi para sa pamahiin niyang nagdadagdag ng swerte. Pero kahit ganoon karami ang asin na ilagay niya, tila walang lasa pa rin ang mga araw nila.
“Masarap ‘yan kahit papaano,” sabi ni Bentong, papalapit sa likuran niya. May dalang kutsara. Tumikim ng sabaw. Pilit ang ngiti.
“Masarap, oo. Pero hindi sapat.”
Napalingon si Martha. Sa wakas, nagtagpo ang mata nila. Matagal na nilang hindi ginagawa iyon. Parang sa bawat linggo, binabawasan ng mundo ang pagtingin nila sa isa’t isa. At ngayong gabi, tila may mababasag.
“Hindi mo kailangang… umarte, 'Tong,” mahina niyang sabi. “Pagod na ako.”
“Pagod saan?” tanong ni Bentong, kahit alam na niya ang sagot.
“Sa lahat.”
Dahan-dahan siyang umupo. Si Martha, nakasandal sa silya, mga mata'y tila hindi na makapigil. “Alam mo bang ilang beses kong kinailangang umiti para sa mga anak natin kahit wala na tayong laman sa ref? Ilang beses kong pinunasan ang luha ko habang nakatalikod sa’yo kasi ayokong dagdagan pa 'yung bigat sa dibdib mo?”
Tahimik si Bentong.
“Araw-araw, nagluluto ako ng ulam na pasensya, naghahain ako ng pag-unawa, naglalaba ako ng pag-aalala. Pero kahit kailan, hindi mo ako tinanong kung kaya ko pa ba.”
“Martha—”
“Wala akong laban sa spotlight mo noon, at ngayon, wala rin akong laban sa anino mo.”
Hindi iyon boses ng galit. Hindi rin pasigaw. Pero ramdam ni Bentong ang bigat ng bawat salitang binitawan ng asawa. Hindi galit ang pinakamasakit—kundi ‘yung pagod na wala nang lakas magalit.
“Kahit kelan ba… napansin mo kung paano ako lumiliit habang ikaw ang pinapalakpakan? Paano ako natutong itago ang sariling lungkot para lang ‘wag masabing hindi supportive na asawa?”
Lumapit si Bentong, pero hindi siya hinawakan ni Martha. Nakatingin lang siya sa malayo.
“Baka akala mo maliit lang ‘to, pero nung tinawanan ka sa video na ‘yon… hindi ko alam kung nasaktan ako bilang asawa mo o bilang taong minsan ding pinagtawanan ng buhay.”
Hindi siya nagsalita. Hawak lang niya ang baso. Walang laman. Parang siya.
“At si Caloy? Nagsimulang mag-absent sa school. Hindi mo napansin. Kasi abala ka sa pagiging tahimik. Pero ako, ako ang tinatanong ng guro kung may problema ba sa bahay. Ako ang humaharap sa kanila habang nag-aalala kung saan tayo kukuha ng pambayad sa utang.”
Biglang tumulo ang luha ni Martha. Isa. Dalawa. Hindi siya humikbi. Tahimik lang. Pero ang luha, sunod-sunod na parang ulan sa gabi.
“Gusto ko lang… minsan, kahit minsan lang… ako naman ‘yung hawakan mo, hindi dahil kailangan mo ng karamay, kundi dahil napansin mong ako rin ay napapagod.”
Dito na siya lumapit. Tahimik. Walang punchline. Wala siyang dalang patawa. Dahil alam niyang ito ang eksenang hindi niya kayang daanin sa biro.
“Martha… patawad.” Iyon lang ang nasambit niya.
At doon, sa unang pagkakataon sa matagal na panahon, naramdaman ni Martha ang kamay ni Bentong sa balikat niya. Hindi bilang artista, hindi bilang palabas—kundi bilang lalaking minsang pinakasalan niya dahil alam niyang totoo ang puso nito.
“Hindi kita pinansin noon kasi akala ko, ako lang ang lumulubog. Pero totoo, tayong dalawa pala ‘yung unti-unting nilamon ng katahimikan.”
Pinunasan ni Martha ang luha. “Hindi pa huli. Pero kung mananatili tayong tahimik, ‘yun ang papatay sa’tin.”
Tumango si Bentong. “Simula ngayon, Martha… gusto kong malaman mong naririnig kita. Hindi na lang ako manonood ng nakaraan ko sa TV. Ikaw ang gusto kong panuorin, pakinggan, mahalin.”
Napangiti si Martha, bahagya. Hindi buo, pero sapat para masabing may sinimulan ulit.
At sa gabing iyon, sa simpleng kusina, sa gitna ng sabaw ng munggo at baso ng tubig, may isang tahimik na pag-ibig ang muling pinanday—hindi ng tawa, kundi ng pagluha.
ns216.73.216.251da2