10Please respect copyright.PENANAHgi3djmS5r
Mainit ang hapon at mabagal ang trapiko. Sa gitna ng usok at init, napasabay si Caloy sa pagsakay ng jeep pauwi galing sa huling exam niya. Wala siyang gana. May isa siyang subject na baka bagsak. Dagdag pa, naramdaman niyang tuluyan na siyang napapariwara.
Umupo siya sa dulo, katapat ng isang babaeng nakaputing blouse, may hawak na sketchpad, at may earphones. Tahimik ito, pero ang mga mata—gala sa labas, tila may sariling mundo.
Napansin niya, habang bumababa ang pasahero sa tabi ng babae, nabitawan nito ang lapis. Pinulot ni Caloy, sabay abot.
“Miss, nahulog mo.”
Ngumiti ang babae, sabay tanggal ng earphones. “Ay, salamat! Akala ko mawawala na naman ‘to.”
Napansin ni Caloy ang drawing—isang eksenang may kariton, isang matandang lalaking nakangiti habang nagbebenta ng lumpia. Parang si Tay.
“Maganda ‘yan. Drawing mo?”
“Oo,” sagot ng babae. “Kahapon lang. May nakita kasi akong matandang lalaki, masayahin. Parang kahit may problema, pinipilit pa ring tumawa.”
“Lumpia?”
“Oo! Sa may kantong Kalayaan. Bakit, kilala mo?”
“Erpats ko ‘yon.”
Napangiwi si Tricia. “Ay sorry. Hindi ko alam. Idol ko siya kahapon e. Parang ibang klaseng lakas ‘yung meron siya.”
Biglang tumahimik si Caloy. Una sa lahat, bihira nang marinig ang salitang idol sa ama niya. Pangalawa, may kakaiba sa tono ng babae—hindi awa, kundi paghanga.
“Ako nga pala si Tricia,” sabay abot ng kamay.
“Caloy.”
Mula noon, palaging sabay silang nauuwi. Sa jeep, sa kanto, minsan kahit lakad pauwi. Unti-unting lumalambot ang matigas na loob ni Caloy. Hindi pa rin niya sinasabi ang buong kwento ng ama niya, pero sa tuwing nagsasalita si Tricia tungkol sa ‘matandang lumpia guy’, unti-unting bumabalik ang respeto niya rito.
Minsan, natagpuan niya ang sarili niyang tumutulong sa kariton. Lumuluwag ang mukha ni Bentong sa tuwing kasama siya.
“Wala lang,” sabi ni Caloy habang pinupunasan ang mesa. “Baka sakaling mapansin ni Tricia.”
Hindi pa man niya sinasabi, pero nararamdaman niya: may dahilan na ulit siya para magsikap, para bumangon. At ang pangalan ng dahilan na iyon… ay Tricia.
ns216.73.216.251da2