18Please respect copyright.PENANAcY90zSVRxH
“Isang kwek-kwek, dalawang fishball, at isang joke, kuya!”
Napangiti si Bentong habang sinasawsaw ang orange na kwek-kwek sa suka. Nakasuot siya ng apron na may nakasulat: “Benta Man o Benta-Down, Basta Bentong!”
Tatlong araw pa lang mula nang itayo niya ang munting kariton sa kanto ng Barangay Magsaysay, pero napapansin na agad siya ng mga tao. Hindi dahil sikat siya—kundi dahil kakaiba ang style niya: bawat order, may kasamang patawa.
“Boss, anong tawag sa kwek-kwek na iniwan ng jowa niya?” tanong niya sa isang construction worker.
“Ewan?”
“Kwek-kwek lang. Iniwan sa mantika.” sabay tawa at abot ng suka.
“Panginoooon,” sabay tawa ang lalaki, “Bentong nga ito!”
“Yung comedian sa TV noon?”
“Oo pare, ‘di ba yung dati sa Lunes na Lunes pa lang, Gutom Na? Anak ng tokwa, idol ko ‘to!”
Pero hindi lahat ay aliw.
“Pa-funny effect pa si Kuya, wala namang sense,” rinig ni Martha na bulong ng dalawang estudyanteng dumaan. Napalingon siya habang pinupunasan ang kariton sa gilid. “Feeling sikat pa rin.”
“Hindi mo na sila kailangang pansinin,” bulong niya kay Bentong nang magkasalubong ang kanilang mga mata.
“Okay lang. Kahit isa lang sa sampu ang tumawa, panalo na ako. ‘Di ba gano’n talaga ang showbiz?”
“Pero iba na ‘to, Tay,” sabat ni Caloy habang inilalagay ang nakolektang barya sa garapon. “Dati may cameraman ka, ngayon ikaw na rin taga-hugas ng sticks.”
“Eh ‘di mas okay! Ako rin ang artista, ako rin ang crew. Triple ang talent fee—kahit emotional lang.”
Sa araw-araw na benta sa kanto, unti-unting nabubuhay ang bagong ritmo sa pamilya Arciaga. Si Martha ang taga-asikaso ng paninda, si Caloy taga-bilang at alalay sa customer, si Marissa taga-bantay ng punchline.
Minsan, may lalapit na matandang babae, dala ang kanyang apo.
“Kuya Bentong? Ikaw ba ‘yan?”
“Depende po. Kung ako yung nasa Game ng Gising, baka ako nga. Kung hindi… baka kamukha lang.”
“Ay! Ikaw nga! Grabe, napatawa mo kami ng asawa ko dati. Sayang, sumakabilang-buhay na siya.”
“Pasensya na po.”
“Hindi, okay lang. Alam mo, ikaw ang huling pinanood naming sabay. Kaya ngayon, dito ko dinala ang apo ko. Para may Bentong din siyang maaalala.”
Napangiti si Bentong, at kahit nauupos na ang mantika, parang lumakas ang apoy sa loob niya.
Pero gaya ng lahat ng may liwanag, laging may aninong sumusunod.
Isang gabi, dumaan si Mang Enrico, dating bar manager ng comedy lounge kung saan huling nag-perform si Bentong. Naka-barong, bagong kotse, at may kasamang babaeng mas bata pa kay Martha.
“Uy! Si Bentong nga!” sigaw niya. “Ano na, pre? Fishball business na lang pala?”
“Ganun talaga, bossing. Kung hindi ka na pinagtatawanan, ikaw na ang magtinda ng pampatawa.”
“Sayang, pre. Kung nag-stay ka lang sana, baka manager ka na rin ngayon. Eh kaso, nagwala ka nung bomb ka sa show natin. Sobrang sensitive mo eh!”
“Hindi ‘yun sensitive. Tao lang ako. Napagod. Napahiya. Nasaktan.”
“E di ikaw na.”
Tumalikod na lang si Bentong at nagpatuloy sa paglilinis ng kariton. Hindi na niya kailangang makipagtalo. Hindi na niya kailangang ipaliwanag sa mundo kung bakit minsan, kahit ang payaso, napupuno.
Kinabukasan, dumagsa ang mga tao. May nag-upload pala ng video niya habang nagtutulak ng kariton at naghahatid ng jokes. Viral ito sa social media—“Dating Sikat, Ngayon Sa Kanto – Bentong, Buhay pa rin ang Tawa.”
“Kuyaaaa!” sigaw ng mga kabataang Gen Z. “Pahug po! Ang wholesome nyo!”
“Tay,” bulong ni Caloy, “may pakyawan order daw para sa school fair. Si Tricia ang tumawag.”
Napangiti si Bentong. Tricia—ang crush ni Caloy. Maganda, matalino, at laging naka-earphones.
“Sabihin mo, sige. Libre pa ang jokes.”
Habang pinapalaki nila ang batch ng fishball, tumigil si Martha at humawak sa kamay ng asawa.
“Na-miss ko ‘to,” bulong niya.
“Ang fishball?”
“Hindi. Yung ikaw—buhay na buhay. Tawa ka ulit. Hindi plastic. Hindi scripted.”
Tumango si Bentong. “Oo. At dito, wala akong director. Pero ikaw ang leading lady ko.”
Lumipas ang mga linggo, naging regular na tambayan ang kariton ni Bentong. May estudyante, call center agent, lasing, mangingibig, pati pulis. Lahat dumadaan, hindi lang para kumain, kundi para marinig ang huling punchline ng araw.
“Anong tawag sa hotdog na ayaw magpa-awat?”
“Ha?”
“HOT-headed!”
“Kuyaaaa! Corny!” sigaw nila.
“Pero bentang-benta pa rin!”
Sa gabi, pag-uwi nila sa maliit nilang inuupahan, kahit pagod na, buo ang loob ni Bentong.
Hindi na siya nasa green room. Wala nang ilaw na sumisinag mula sa entablado. Pero meron siyang pamilya, mga tapat na customer, at mga kwento sa bawat tusok ng fishball.
At sa kanto na iyon—maliit man sa mapa—binuo niyang muli ang sarili niyang mundo.
Isang joke. Isang kwek-kwek. Isang pagbangon.
ns216.73.216.251da2