16Please respect copyright.PENANABayy6A1DE6
Mainit ang liwanag ng entablado. Humalo sa ilaw ang usok mula sa ihawan ng barbecue sa gilid ng barangay plaza. Fiesta sa baryo San Vicente at muling niyaya si Bentong na magpatawa, kahit wala na siya sa TV, kahit marami na ang nakalimot sa kanya.
“Mga kababayan! Ako si Bentong, ang inyong dating paboritong payaso!” sabay sabog ng pilit na ngiti.
May ilang palakpakan, pero karamihan ay abala sa pagkain. ‘Yung iba, nakatutok sa cellphone.
Nandun si Caloy, nakasandig sa poste. Si Marissa, tahimik na kumakain ng cotton candy sa tabi niya. Si Martha, hawak ang maliit na pamaypay, waring nag-aalala.
“Alam n’yo bang dati, isa akong sikat na komedyante? Oo, totoo ‘yon! Pero ngayon, sikat na lang ang utang ko!” sabay tawa—na tila siya lang ang nakarinig.
Walang sumagot. Isang lalaking tambay pa ang nagsabi, “Ang corny na niya ngayon.”
Tila sumikip ang dibdib ni Bentong.
Pero nagpatuloy siya. “Eh kayo, anong mas masakit? Magka-jowa na walang load… o magka-load na walang jowa?”
May kaunting tawa mula sa isang grupo ng matanda. Umangat ang balikat ni Bentong, parang bata na sinabihang magaling siya.
Ngunit sa gitna ng susunod na punchline, biglang lumabo ang kanyang paningin. Parang umiikot ang mundo. Napakapit siya sa mikropono, sabay hawak sa dibdib.
“M-Mga kababayan... p-pahinga lang…”
Isang segundo lang, pero sapat para ang kanyang mga tuhod ay bumigay. Bumagsak si Bentong sa entablado.
“PAPA!” sigaw ni Caloy.
“Kuya!” hiyaw ni Marissa, hawak pa rin ang cotton candy.
Nagkagulo. Tumakbo si Martha. Tumigil ang musika, natapon ang beer ng mga lasing. Lahat ay napalingon.
Dinala si Bentong sa health center ng barangay. Walang aircon, amoy gamot, may lumang electric fan na umaalog sa kisame. Si Martha, pinupunasan ng panyo ang pawisang noo ng asawa. Si Caloy, tahimik sa isang sulok. Si Marissa, umiiyak nang pa-ulit-ulit habang sinasabing, “Ayaw ko ng hospital. Ayaw ko ng hospital.”
Dumating ang barangay nurse. “Kailangan po nating dalhin si Mang Ben sa provincial hospital. Possible stroke or heart attack po. Kailangan ng tests.”
Isang linggo matapos ang insidente.
Nasa ospital si Bentong, naka-confine. May dextrose. May ECG. Tila nalanta ang katawan niya, hindi na ito ang dating masigla kahit mataba.
Pinatawag sila ng doktor.
“May coronary artery disease po siya,” paliwanag ng doktor. “At may signs din ng mild stroke. Mabuti na lang at naagapan. Pero maselan po ang kalagayan niya.”
Tahimik si Martha. Si Caloy, nakatingin lang sa sahig.
“May posibilidad po bang makabalik pa siya sa trabaho?” tanong ni Caloy.
“Maaaring hindi na sa parehong paraan. Kailangan ng lifestyle changes—healthy diet, regular check-up, at iwas stress. At lalo na… iwasan ang pagod.”
Paglabas nila ng opisina, unang pumutok ang iyak ni Martha.
“Bakit hindi mo sinabi? Bakit hindi mo kami pinapansin noon pa? Sa tuwing hinihika ka, akala ko ganyan ka lang talaga...”
Si Bentong, hawak ang rosaryo sa bulsa ng pajama. Tahimik.
“Wala kang karapatang bumagsak ng ganyan, Ben. Hindi ka lang komedyante. Ama ka. Asawa ka,” marahang sabi ni Martha, hindi sa galit kundi sa takot.
Naglakad-lakad si Bentong sa hallway, kasama si Marissa. Pinagmasdan niya ang puting pader ng ospital. Wala nang ilaw ng entablado. Wala nang halakhak. Pero andun pa rin si Marissa, nakaalalay sa braso niya.
“Kuya, pagaling ka na ha. Ayaw ko dito. Di ako natutuwa rito,” bulong ni Marissa.
Ngumiti si Bentong, kahit mahina.
“Sige na nga, pagaling na ako. Para sa’yo, Maris.”
Sa gabi, habang nakaupo si Bentong sa kama ng ospital…
Pinanood niya ang isang lumang video sa cellphone—‘yung first appearance niya sa isang noontime show. Ang sigawan ng tao, ang tawa, ang lakas ng presensya niya noon. Kumunot ang noo niya. Napapikit. Napangiti nang mapait.
Biglang pumasok si Caloy, may dalang dalawang plastic ng lugaw.
“Pa, kain tayo.”
“Salamat, anak.”
Tahimik silang kumain.
“Pa…”
“Hmm?”
“Okay lang kahit hindi ka na bumalik sa TV.”
Napalingon si Bentong.
“Hindi mo kailangan maging sikat ulit. Kailangan ka lang namin… buhay.”
Parang may gumuhit na init sa mata ni Bentong.
“Anak, patawad ha… sa lahat.”
Tumango si Caloy.
“Okay lang ‘yun. Hindi mo naman kami kailangang patawanin araw-araw… basta kasama ka pa rin namin.”
ns216.73.216.79da2