POV ni Chester
Linggo ng umaga. Tahimik ang bahay pero hindi rin mapakali ang isip ko.
Kanina ko pa hawak ang cellphone, tinititigan ang pangalan ni Kyla sa screen. Ilang beses ko nang tina-type ang "Good morning, baby" pero binubura ko rin. Hindi ko maipadala. Kasi... andito pa sila.
"Chester, naman! Pwede ba? Wala ka na namang silbi dito sa bahay! Kahit basura sa labas di mo mailabas!"
Si Evelyn. As usual. Sa dami ng gising kong umaga, wala pa yatang lumipas na di ako napagsabihan ng wala sa lugar.
Tahimik lang ako. Inilapag ko ang cellphone sa mesa at umupo sa gilid ng sofa habang nilalaro ng bunso kong si Gio ang laruan niya sa sahig. Apat na taon na si Gio. Si Miguel, panganay namin, nasa kwarto, naglalaro ng online game. Si Lianne, ang dalagita naming dose anyos, nasa bahay ng nanay ni Evelyn. Gusto raw doon kasi may aircon. Si Renz at Joshua, 9 at 7, halos doon na rin nakatira. Halos ayaw na umuwi dito.
Hindi ko rin naman sila masisisi.
Matagal ko nang ramdam na hindi na ito tahanan. Matagal ko nang alam na wala na akong espasyo sa buhay ni Evelyn—ni sa buhay naming dalawa. Simula pa nung buntis siya kay Gio, halos wala na. Noong ipinanganak si Gio, 'yun din ang huli naming gabi bilang mag-asawa. Parang after nun, naging kasambahay na lang ako rito. O mas masahol pa—driver, tagahatid, tagakuha ng resibo.
"Chester! Pwede bang iayos mo naman yang TV, nasisira tunog!"
"Oo na." Tumayo ako at inayos ang remote. Wala pa ring salamat. Hindi na ako nagulat.
Ang sakit nito, mahal ko pa rin ang mga anak ko. Sa totoo lang, kaya ako nandito. Hindi dahil kay Evelyn. Hindi dahil sa papel na nagsasabing kasal kami. Nandito ako kasi ayokong maramdaman ng mga bata na iniwan ko sila.
Pero totoo rin na gusto ko nang umalis.
Naging madalas ang mga gabi na nakatingin lang ako sa kisame, hawak ang cellphone, hinihintay na mag-online si Kyla. Sa kanya ako nakangiti. Sa kanya ako nagkakainteres. Sa kanya lang ako... buhay.
Hindi niya alam. Wala siyang alam.
Paano ko sasabihin sa kanyang limang anak ko? Paano ko ipapaliwanag na ikinulong ko siya sa isang ilusyon? Na araw-araw siyang minamahal ng lalaking hindi niya lubos na kilala?
Na ako 'yun?
Pero masarap sa pakiramdam ang mahalin ka na parang ikaw lang talaga. 'Yun ang binibigay ni Kyla sa akin. 'Yun ang hindi ko nakuha kay Evelyn—hindi ko na matandaan kung kailan pa. Baka nga wala na simula't simula.
Nung una, wala akong intensyong lokohin si Kyla. Nang isama siya ni Melissa sa ride, wala akong balak manligaw. Pero nung una ko siyang tinignan, tapos narinig ko siya tumawa, parang may parte ng pagkatao kong gusto uling mabuhay.
Ilang linggo na kaming madalas magkausap. Late-night calls. Usapang walang katapusan. ‘Pag nagkikita kami kasama ang grupo, pero sa totoo lang, siya lang ang dahilan kung bakit ako umaalis ng bahay.
Gusto kong maramdaman na lalaki pa rin ako—na may halaga pa ako.
Minsan naiisip ko, masama ba talaga akong tao? O masyado lang akong matagal nang napagkaitan ng pagmamahal? Sa lahat ng sakripisyo ko bilang ama, hindi ko na ba deserve ang konting ligaya? Sa dami ng taon kong nanahimik at tiniis ang sigaw ni Evelyn, hindi ko na ba pwedeng maramdaman ulit ang may nagpapakilig sa akin?
Napatingin ako kay Gio. Tumatawa siya habang umiikot ang laruan niya.
Anak ko. Mahal na mahal ko.
Pero may isang parte sa akin na hindi na kayang itago ang totoo. Kung si Kyla ang magtanong bukas... kaya ko pa bang magsinungaling?
Nag-vibrate ang cellphone ko.
KYLA: "Love, gising ka na? Naka-kape na?"
Napangiti ako. Pinindot ko agad ang reply.
CHESTER: "Yes, baby. Nauna ka pa rin sa kape ko. Ikaw agad naisip ko pagkagising."
Putang ina. Ang galing kong magsinungaling.
Hindi pa rin ako natawag. Di ko siya matawagan habang nasa paligid ang asawa ko’t mga bata. Masisira ang pantasya. Masisira ang mundo namin. Masisira ako.
Pero kung masisira man, baka ito na ang gusto kong kapalit.
Kasi minsan, ang kasalanan, maski mali—nagiging tanging daan mo para mabuhay ulit.
ns216.73.216.79da2