11Please respect copyright.PENANABOMpPtF8Bm
POV ni Kyla
Muntik ko nang ibagsak ang hawak kong baso nang sunod-sunod na tumunog ang doorbell namin. Hindi ito ‘yung normal na bisita lang. Sunod-sunod. Atake. Mabilis. Para bang may taong desperadong makapasok.
Nang sumilip ako sa bintana, para akong binuhusan ng malamig na tubig.
Si Chester.
Magulo ang buhok. Mukhang ilang araw nang walang tulog. Nakatayo sa harap ng gate, nanginginig at nangingilid ang luha.
“Ky... Kyla, pakiusap...,” mahina niyang tawag. “Pag-usapan natin ‘to... Kahit sandali lang...”
Pinilit kong huwag buksan ang gate. Gusto kong huwag pansinin. Pero ilang segundo lang, may narinig akong isa pang boses.
“Tingnan mo ‘to! Nandito ka na naman sa kabit mo!”
Boses ng babae. Mataray. Puno ng galit.
Si Evelyn.
Naglalakad siya papunta sa amin. Galit na galit. Sa mukha niya, para bang gusto niyang sabunutan ako kahit hindi pa niya ako nakikita.
Tumayo ako sa pinto. Lumabas ako ng kaunti. Nasa labas ng gate sina Chester at Evelyn. Ang ingay na nila, may mga kapitbahay nang nag-uusyoso. Gusto kong lumubog sa hiya—pero mas nangingibabaw ang galit ko.
“KYLA!” sigaw ni Chester. “Please! Pakinggan mo ‘ko kahit ngayon lang!”
“Ikaw talaga! Walang hiya ka!” sabat ni Evelyn. “Ikaw ang sumira ng pamilya ko! Mang-aagaw ka!”
Bigla kong naramdaman ang apoy sa dibdib ko. Nanginginig ang kamay ko—hindi sa takot, kundi sa sobrang inis. Ilang araw na akong tahimik. Ilang araw ko silang tinatanggap na parang ako pa ang may kasalanan. Pero hindi na ngayon.
Huminga ako nang malalim. Binuksan ko ang gate.
“Ako ang mang-aagaw?” tanong ko, diretso sa kanya.
“Oo! Ikaw! Ikaw ang dahilan ng lahat!”
Hindi ako sumigaw. Hindi ako nagwala. Pero bawat salitang lumabas sa bibig ko ay puno ng bigat.
“Alam mo kung ano ang mas masakit?” tanong ko. “’Yung wala akong kaalam-alam. Wala. Ni isang beses, walang nagsabi sakin ng totoo. Hindi si Chester, hindi rin ang mga magulang niya. Ni isa sa kanila—wala.”
Natahimik si Evelyn.
“Pinakilala ako ni Chester sa pamilya niya. Dinala niya ako sa bahay nila. Kumain ako sa mesa kasama ang nanay at tatay niya. Ni hindi man lang ako tinanong ng kahit sino kung alam ko bang may asawa siya.”
Lumunok ako ng luha.
“Ako pa ngayon ang kabit? Ako ang sinungaling? Ako ang walang konsensya?” Pinigilan ko ang pag-iyak, pero nanginginig ang boses ko. “Pwes, pakinggan mo ‘to, Evelyn. Hindi ako papatol sa lalaking may asawa kung alam ko lang. Never.”
Humakbang si Chester papasok. Pilit na lumapit sakin.
“Ky... please, pakinggan mo ako. Hindi ko gustong masaktan ka. Natakot lang ako. Nataranta. Nahulog ako sa’yo nang hindi ko napapansin... At sa bawat araw na kasama kita, lalo kong naisip na hindi kita kayang bitawan…”
“At anong ginawa mo?” nilingon ko siya. “Tinago mo ako. Pinaniwala mo akong malaya ka. Pinakain mo ‘ko sa mga kasinungalingan mo habang buong pamilya mo, kasabwat mo sa pananahimik.”
“Hindi nila kasalanan—ako lang. Ako lang ang may kasalanan, Kyla.”
“Tama ka. Kasalanan mo. Pero ‘wag mo kong hilahin sa gulo n’yo para lang gumaan ang loob mo. Ako ang nasangkot sa kwento na hindi ko naman ginusto. Ako ang nahulog sa’yo nang walang alam, tapos ako pa ngayon ang masama?”
Si Evelyn, di na nakapagsalita. Nanginginig lang siya sa galit, pero sa gitna ng katahimikan, alam kong kahit siya, nalito. Dahil kahit siya, ramdam niyang may mali.
“Sabihin mo sakin, Evelyn,” dagdag ko. “Kung ikaw ang nasa posisyon ko, hindi ka ba magagalit? Hindi ka ba masasaktan? Hindi mo ba mararamdamang ginamit ka?”
Pumikit siya. Humakbang palayo, pero bago siya lumayo, sumigaw siya ulit.
“Hindi pa rin sapat ang paliwanag mo. Sinira mo kami.”
“Hindi ako ang sumira,” sagot ko, malumanay pero matalim. “Ang sumira sa inyo... ‘yung taong pinakasalan mo pero hindi mo kilala. At pamilya niyang mas piniling manahimik kaysa ipaglaban ang tama.”
Tahimik.
Napatingin si Chester sa akin, para bang inaasahan pa niyang maawa ako. Pero wala na akong maibibigay.
“Tapos na tayo,” sabi ko. “Wala na akong dapat linawin. Wala na akong dapat ipaglaban. Wala na rin akong dapat patawarin—lalo na ang sarili ko, kasi hindi ko naman kasalanan lahat ng ito.”
“Ky...”
“Umalis na kayo. ‘Wag n’yo na akong balikan. Huwag niyo na akong idamay sa pagkawasak ng sarili n’yong tahanan. Hindi ako parte ng gulo n’yo. Ginamit lang ako bilang distraction sa gulo n’yong matagal nang nandiyan.”
Sinarado ko ang gate.
Sa wakas, hindi na ako umiiyak.
Hindi na ako nagmamakaawa.
Hindi na ako nagpaliwanag para sa kasalanang hindi ko naman ginawa.
ns216.73.216.238da2