8Please respect copyright.PENANA9cSPrBSkjR
Tahimik ang buong bahay nang dumating ako mula Pangasinan. Walang nagtanong, walang sumalubong ng masigla. Pero alam kong alam na nila — sina Mama Virginia at Papa Solomon. Siguro may nakaabot na rin sa kanila mula sa mga kamag-anak o di kaya’y nabasa nila ang mga post sa social media bago ko pa na-deactivate ang lahat.
Sa hapag-kainan, naroon ang mainit na sabaw, paborito ko. Sinigang na baboy, tamang-tama sa panahon. Pero wala akong ganang kumain. Tinabihan ako ni Mama, tahimik lang na naglagay ng kanin sa plato ko. Si Papa naman, nakatingin lang sa tasa ng kape niya.
"Anak," bungad ni Mama matapos ang ilang minuto ng katahimikan, "may gusto ka bang ikwento?"
Napayuko ako. Hindi ko alam kung paano uumpisahan. Kung paano ko ikukuwento na muli akong nadurog, na umasa ako, na minahal ko ang lalaking may asawa’t anak pala. Na pinaniwala ako sa kwento ng kalayaan pero nilunod pala ako sa kasinungalingan.
"Naghiwalay na po kami ni Chester," mahina kong sabi.
Nagkatinginan si Mama at Papa. Pero walang sumigaw. Walang sermon. Wala rin namang sinabi agad. Hinayaan lang nila akong huminga sa gitna ng bigat.
"Alam mo, Kyla," tugon ni Papa matapos ang katahimikan, "hindi mo kailangang ipaliwanag sa amin. Anak ka namin. Kahit anong mangyari, dito ka babagsak."
Napaiyak ako. Hindi dahil sa sakit, kundi sa ginhawa. Kasi sa dami ng galit at panlalait sa labas, sa pamilya ko lang ako muling nakahanap ng yakap na walang tanong.
"Mahal mo siya, ‘no?" tanong ni Mama habang pinupunasan ang luha ko.
Tumango ako. "Oo, Ma. Mahal ko siya. Akala ko… siya na."
"Ang hirap magmahal ng mali, anak. Pero mas mahirap manatili sa pagkakamali," sabi ni Mama, dahan-dahan ang bawat salita.
"Wala ka namang kasalanan sa pagkakaroon ng pusong naniniwala. Pero may pananagutan ka sa sarili mong puso — at ‘yan ang pinili mong protektahan. Kaya proud ako sa’yo," dagdag pa ni Papa.
Sabay-sabay kaming kumain pagkatapos nun. Tahimik, pero may bigat na nabawas. Wala akong kailangang ipagtanggol. Walang kailangang ayusin. Dito, sapat lang na ako si Kyla — sugatan, pagod, pero lumalaban.
Ilang araw akong nanatili sa bahay. Hindi muna ako pumasok sa trabaho. Tinanggap ng boss ko ang leave request ko agad. Siguro, naramdaman niya rin ang bigat ng pinagdadaanan ko. Madalas akong nasa kwarto, minsan nasa balkonahe lang habang tinitingnan ang dumadaang mga tao, iniisip kung ilang sa kanila ang may dalang lihim, kung ilang sa kanila ang nasaktan, tulad ko.
Pero sa bawat umaga, laging nandun si Mama para sabayan akong mag-kape. Minsan walang salita. Minsan may simpleng tanong. “Kamusta tulog mo?” “Kumain ka ba kahapon ng maayos?” Walang pilit. Walang hukom. Basta nariyan lang sila — sina Mama at Papa — tahimik kong sandalan habang pinipilit kong buuin ulit ang sarili ko.
Dumating din ang araw na binuksan ko ulit ang phone ko. May mga message. Mula sa mga kaibigan. Sa mga dating kasamahan. Maging mula kay Evelyn — asawa ni Chester.
"Hindi ko alam na ikaw pala si Kyla. Wala siyang sinabi. Galit ako, oo. Pero hindi sa’yo. Hindi mo kasalanan."
Nagulat ako. Hindi ko alam kung paano magre-reply. Kaya hindi muna ako nag-reply. Sa dami ng kailangang buuin, ang katahimikan pa rin ang pinili kong gamot.
Isang hapon, habang naglalakad kami ni Papa sa likod ng bahay, tinapik niya ako sa balikat.
"Alam mo, anak," sabi niya, "sa buhay, may mga tao talagang dadaan para turuan tayo. Hindi para manatili."
Tumingin ako sa kanya. "Pa, kung ganon... bakit gano’n kasakit?"
Ngumiti siya ng malungkot. "Kasi tunay. At ang tunay na karanasan, hindi yan basta-basta nawawala. Pero huwag mong hayaang maging dahilan 'yan para mawalan ka ng tiwala sa sarili mo, sa puso mo."
Napayakap ako kay Papa. Isang yakap na parang sandata sa malamig na mundo. Sa araw na ‘yon, natutunan ko ulit ang isa sa pinakamahalagang bagay:
Pwedeng masira ng iba ang puso mo, pero ikaw pa rin ang magpapasya kung mananatiling sirâ ‘yon habang-buhay.
At ngayong alam kong hindi ako nag-iisa, may lakas ulit akong bumangon. Hindi man agad-agad, pero buo ang pasya ko: magsisimula akong muli. Hindi para takasan ang nakaraan, kundi para muling mahalin ang sarili ko — sa paraang buo, totoo, at malaya.
ns216.73.216.79da2