7Please respect copyright.PENANAqzhyymbqpZ
Mainit ang hapon nang dumating ang mensahe ni Melissa kay Kyla. "Tara bukas? Ride tayo. Sama si Ian. May mga kaibigan siyang isasama."
Walang okasyon, walang espesyal na dahilan—gano’n ang gusto ni Kyla. Biglaang lakad. Hindi mo kailangang mag-ayos ng sobra. Isa lang iyong simpleng paraan para makalimot sa stress ng linggo.
“Game,” sagot ni Kyla habang nakahiga pa sa kama, yakap ang isang unan. “Saan?”
“Tagaytay. Usual tambayan. Chill lang. Kape, view, kwentuhan. Tapos dinner.”
Hindi na siya nagtanong pa ng iba. Basta kasama si Melissa, kampante siya. Kilala niya ang kaibigan—hindi ito basta-basta nag-iimbita ng mga taong sketchy. At kung nandoon si Ian, siguradong chill lang ang crowd.
Kinabukasan, magkikita-kita sila sa isang gas station sa SLEX. Maaga pa lang, nagsusulputan na ang mga naka-riding gear, ang ilan naka-motor, ang iba naka-kotse.
“Hoy, Kyla!” tawag ni Melissa, kumakaway. Nasa tabi niya si Ian, naka-all black, habang abala sa pag-check ng motor.
“Uy! Morning!” bati ni Kyla, habang isinusuot ang kanyang helmet at inilalagay sa motor.
“Kyla, ito nga pala mga tropa ni Ian. Si Jeremy, si Nick, at ito si Chester.”
Isang lalaking naka-gray na hoodie at faded na maong shorts ang ngumiti sa kanya. Matangkad, moreno, at may nakakatawang dimple na kahit hindi siya ngumingiti nang todo, parang laging nandoon.
“Hi,” sabi ni Kyla, medyo pormal pa, pero magaan agad ang loob niya.
“Chester,” sabi nito, sabay abot ng kamay. Matikas ang pagkakatindig. May kumpiyansa, pero hindi bastos.
Sabay-sabay silang umalis ng gas station, motor sa motor, kotse sa likod. Habang tinatahak nila ang daan pa-Tagaytay, ramdam ni Kyla ang adrenaline—ang hanging sumasampal sa helmet niya, ang araw na unti-unting tumatama sa likod ng leeg, at ang walang ka-arte-arte ngunit preskong pakiramdam ng pagiging "wala sa plano."
Pagdating sa Tagaytay, sa isang karinderyang may overlooking view sila tumambay. Mainit ang kape, malamig ang simoy, at maingay ang buong grupo sa tawanan at kwentuhan.
“Ayaw mo ba ng bulalo?” tanong ni Chester habang hawak ang mangkok. “Masarap dito.”
“Okay na ako sa kape,” sagot ni Kyla.
“Diet?”
“Hindi. Budget.” sabay kindat.
Tumawa si Chester. “Ako na bahala. Sagot ko.”
“Uy, hindi ah. Wala sa usapan ‘yan.”
“Wala rin sa usapan na magiging kaibigan tayo. Pero mukhang nangyayari na.”
Napataas ang kilay ni Kyla. Witty. Medyo mayabang. Pero hindi nakakainis.
Ilang oras pa ang lumipas, tila natural na naging close sina Kyla at Chester. Madali itong magbiro, marunong makinig. Isa siya sa mga pinakamasigasig sa grupo, pero hindi nagpapansin.
Hanggang sa inaya siya nitong maglakad sa may gilid ng view deck. “Panalo no?”
“Tingin ko mas panalo kung may tahimik na spot dito para matulog,” sagot ni Kyla habang nakatingin sa paligid.
“Gusto mo, planuhin natin next time? Yung ride na kayo lang—ako at ikaw.”
Biglang natahimik si Kyla. Hindi dahil sa kilig. Kundi dahil bigla siyang naging aware na hindi lang siya tinuturing na bagong kaibigan. May iba. May pilit na lalim ang ngiti ni Chester. May kakaibang interest ang mata nito tuwing tinitingnan siya.
Pero sa oras na iyon, hindi niya pa alam. Hindi niya alam kung may asawa si Chester. Hindi niya rin alam na ang simpleng imbitasyon ay magiging simula ng isang kwento kung saan siya ang pangunahing kontrabida—na hindi naman niya sinadyang gampanan.
Ang tanging alam lang niya... masarap ang hangin. Masarap ang kape. At sa harap niya, may isang lalaking mukhang walang sabit.
ns216.73.216.79da2