9Please respect copyright.PENANAjfk8PYXN8v
Taon- taon pala, may ginaganap na outreach ang motorcycle club ni Chester—isang charity ride para sa mga batang Aeta sa Pampanga.9Please respect copyright.PENANAAGvUDRow2P
Hindi lang ito simpleng pagtitipon. Seryoso sila. Isang buwang paghahanda, bawat miyembro may kanya-kanyang ambag. Lahat ng ito para sa iisang layunin: magbigay ng groceries, school supplies, gamot, at kaunting kasiyahan sa mga batang halos nakalimutan na ng lipunan.
Nang una niyang ikuwento sa’kin, parang ordinaryong event lang. Pero habang tumatagal, lalo kong nararamdaman ang puso sa likod ng proyekto. May mga pulong sila tuwing weekend, may mga listahan ng bata, dami ng bigas, budget ng mantika, mga kulang na notebooks. Hindi lang pakitang-tao. Totoo.
“Love,” bungad niya minsang nasa video call kami habang nasa meeting siya, “gusto mo ba tumulong?”
Napaisip ako. Hindi dahil ayaw ko—kundi dahil gusto kong malaman kung paano ko talaga sila matutulungan.
Sumunod na linggo, nagpasyang magdonate ako ng ₱60,000 cash. Ayoko ng pa-konti-konti, ayoko ng pakitang-tao. Gusto kong ramdam ng mga bata na may malasakit ang mundo sa kanila.
Nagulat si Chester. “Sure ka dito, mahal? Hindi mo kailangang gawin ‘to.”
Ngumiti lang ako. “Hindi ko ‘to ginagawa para sa’yo. Ginagawa ko ‘to kasi naniniwala ako sa layunin n’yo.”
Dagdag pa du’n, inilapit ko sila sa kapatid kong doktora. Hindi na ako nahirapang kumbinsihin si Ate, lalo na’t kasama rin ang partner nitong pharmacist. Nag-donate sila ng gamot, bitamina, at ₱20,000 cash. Naghanap pa ako ng mga posibleng sponsor—tinap ko ang kakilala ko sa Rebisco at sa UFC Banana Ketchup. Hindi ako makapaniwala nang nagpadala sila ng kahon-kahong produkto.
Nung araw ng pagpapack ng grocery bags, abalang-abala kaming lahat. Isang tambakan sa Angeles ang naging venue namin. May mga sako ng bigas, bottled water, sabon, sardinas, school kits, tsokolate, instant noodles, gatas, vitamins—halos hindi na mabilang. Nasa iisang linya kami, may sistema. Ako na mismo ang nagtatali ng mga eco-bag, pinagpapawisan pero masaya.
“Nakakatuwa ka,” sabi ni Chester habang tinutulungan akong magbuhat ng kahon.
“Bakit?”
“Akala ko hanggang donasyon ka lang. Hindi ko in-expect na sasama ka mismo. Hindi ka lang nagbigay, naging bahagi ka talaga.”
Hindi ako sumagot. Tinapik ko lang siya sa braso. Dahil sa totoo lang, masarap sa pakiramdam. Iba ‘yung ngiti ko habang iniisip ang mga batang makakatanggap ng lahat ng ito. Iba ‘yung saya knowing na kahit papano, nagiging instrumento ka ng kabutihan.
Dumating din ‘yung araw ng outreach. Maaga kaming bumiyahe, bitbit ang mga donasyon at ilang volunteers. Umakyat kami sa bundok, nadaanan ang mga kaparangan ng Porac, hanggang sa marating ang munting komunidad. Mga payat at maiitim na batang nakasuot ng lumang uniporme, may iba’y walang tsinelas, pero lahat ay may nagniningning na mata.
Pagdating namin, nagpalakpakan sila. May ilang lumapit agad sa motor ni Chester at yumakap sa kanya. “Kuya Chester! Kuya Chester!” sigaw ng isa.
“Wow kilala ka na nila?” tanong ko, napapangiti.
“Taon-taon ako nandito. Pero ngayon lang ako may kasamang mahal sa buhay,” bulong niya, sabay hawak sa kamay ko. Hindi ko napigilan ang kilig—kahit pinipilit kong magpaka-neutral.
May programa saglit. May mga sayaw ng bata, may konting laro, at nagbigay kami ng mensahe. Ayoko sanang magsalita pero tinulak ako ni Chester sa harap.
“Hindi ko po kayo kilala, pero kayo po ay importante,” bungad ko, nanginginig ang boses. “At sana kahit maliit lang ang maibigay namin ngayon, maramdaman n’yo na may nagmamalasakit pa rin. Hindi kayo nakakalimutan.”
Pagkatapos ng programa, sinimulan na ang pamimigay. Isa-isang lumapit ang mga bata, bitbit ang mga ngiting mas makulay pa sa liwanag ng araw. May batang yumakap sa bewang ko. May nagsabi ng “salamat po.” May isa pang halos mangiyak-ngiyak sa hawak niyang notebook at lapis.
Naiyak ako. Hindi ko napigilan. Hindi dahil sa awa—kundi sa sobrang tuwa. Masaya akong naging bahagi ako ng araw na ‘yon.
Habang nakaupo ako sa lilim ng puno, pinagmamasdan silang masaya, lumapit si Chester. Naupo siya sa tabi ko, pinunasan ang pawis sa leeg ko gamit ang panyo niya.
“Alam mo, love…”
“Hm?”
“Ito ‘yung dahilan kung bakit ako naging parte ng club na ‘to. Kasi dito ko naramdaman na may silbi ako sa mundo.”
Tumango ako. “Kaya nga masaya ako na nakasama ako dito. Salamat.”
“Hindi, ako ang dapat magpasalamat. Kung wala ka, hindi magiging ganito kalaki ‘tong event.”
Ngumiti lang ako. Walang ibang mas mahalaga sa akin noon kundi ‘yung makitang masaya siya. Nakita ko ‘yung ibang Chester—‘yung Chester na may malasakit, may purpose, may puso.
Sa araw na ‘yon, nabawasan ang bigat sa dibdib ko. Hindi man mawala ang lahat ng hinala, kahit paano, nakita ko ‘yung lalaking gusto kong pagkatiwalaan.
At sa gitna ng kabundukan, sa mga yakap ng pasasalamat ng mga bata, sandaling nalunod ang lahat ng duda.
ns216.73.216.79da2