POV ni Kyla
Hindi ko alam kung paano nangyari, pero unti-unti… naging kami.
Walang tanungan. Walang label sa una. Pero sa kilos, sa tingin, sa pagtrato ni Chester—ramdam ko. Hindi na lang siya yung ka-ride o kausap ko tuwing gabi. Siya na ‘yung hinahanap ng katawan ko tuwing malamig ang hangin. Siya na ‘yung tumatawag ‘pag umuulan, para lang siguraduhin kung may payong ako. Siya na ‘yung nag-aalok ng jacket ‘pag wala akong dalang pang-uwi kahit galing lang kaming Blue Corner.
Siya na.
At ako, wala na rin yatang kawala.
Sinalubong niya ako sa labas ng trabaho nung isang araw. Pawis pa siya sa ride, amoy gasolina at araw, pero ngumiti pa rin siya nang makita ako. Hinubad agad ang gloves niya tapos kinuha ang bag ko. "Sakay ka na, love. Ako na maghahatid."
Love.
Hindi na bago sa kanya 'yon. Pero sa akin, parang laging una.
"Okay lang ba? Hindi ka ba busy?"
"Para sa'yo, hindi kailanman."
Tapos bigla na lang, inabot niya ang helmet. Pink. At may maliit na sticker sa likod: "Chester's Wifey."
Napangiti ako nang hindi ko namamalayan.
Hindi ko na tinanong kung bakit may gano’n. Hindi ko na rin inusisa kung sinadya ba niya o biro lang. Basta sumakay ako sa motor niya na may ngiting hindi maalis sa mukha ko hanggang makarating kami sa bahay.
Noong sumunod na linggo, sinamahan ko siya sa meeting ng motorcycle club nila.
"Guys, si Kyla nga pala," sabi ni Chester, habang nakapulupot ang braso niya sa bewang ko. "Asawa ko 'to."
Walang kumontra. Walang nagtaka. Lahat ngumiti lang at tumango, parang matagal na nilang alam. Parang natural lang.
Asawa. Wifey. Baby. Love.
Pero never pa niya sinabi na girlfriend niya ako. Wala pa siyang pormal na tanong. Pero sa mga kilos niya, parang kasal na kami.
Pag may meeting, ako ang katabi niya. Pag may raffle, ako ang kinukulit niyang isulat ang pangalan niya. Kapag nag-rereklamo siya tungkol sa trabaho, ako ang tagapakinig niya. At kapag pagod na siya, ako ang niyayakap niya.
Isang araw, sumabay siya sa lunch break ko. Ang init ng panahon noon kaya halos walang gana kumain. Pero bigla siyang dumating, may dalang malaking paper bag mula Blue Magic.
"Para sa’yo," sabay abot ng isang higanteng penguin na stuffed toy.
Napanganga ako. "Hala, ang laki nito, Chester."
"Para meron kang kayakap ‘pag hindi mo ako kasama."
Tumawa ako, pero totoo naman. Sa bahay, ginagawa ko siyang unan. Ginagawa kong kumot. Yakap-higpit. Minsan nga, naaalala ko pa ‘yung amoy ng jacket ni Chester kahit nilabhan na ‘yung penguin.
Pucha. Ang tindi.
Minsan, nag-offer siya na tumulong sa bills.
"Love, kung nahihirapan ka sa kuryente o sa upa, sabihan mo lang ako ha. Hindi ako mayaman, pero gusto kitang tulungan."
Napatingin ako sa kanya, tapos ngumiti.
"Appreciate ko, love, pero kaya ko pa naman."
Bigla siyang natahimik. Parang may saglit na lungkot sa mga mata niya pero agad din itong nawala. Tumango siya at hinawakan lang ang kamay ko. Walang tanong. Walang depensa. Parang may gustong sabihin, pero pinigilan.
Minsan gusto ko siyang tanungin: Ano bang meron sa'kin at ganyan ka sa'kin? Pero lagi ko na lang kinikimkim. Kasi baka kapag nagtanong ako, mawala lahat.
Ayokong takutin ang sarili ko.
Ayokong sirain ang kung anong meron kami ngayon.
Kahit hindi malinaw.
Kahit walang pormal.
Basta nararamdaman ko. Araw-araw. Bawat haplos. Bawat tawa. Bawat text. Bawat yakap. Bawat pagsilip niya sa salamin habang nagmamaneho at sinasabi, “Gwapa mo talaga, wifey.”
Wifey. Sa dila niya, parang hindi na siya sanay na mag-isa.
At sa puso ko, parang hindi ko na kayang wala siya.
Hindi ko alam kung saan kami papunta. Pero sa ngayon, okay na ‘ko. Kasi para sa isang tulad kong sanay sa pagkakabitin at paasa, sapat nang may isang taong nagsusukli ng effort. Sapat nang may isang Chester na araw-araw pinaparamdam sa’kin na ako ang pili niya—kahit hindi pa niya sinasabi nang direkta.
Pero sa isang bahagi ng puso ko, may nagbubulong.
"Sana totoo ka nga."
ns216.73.216.79da2