6Please respect copyright.PENANA0QSoYedSuc
Matapos ang matagumpay na outreach sa mga batang Aeta, ramdam ko ang gaan sa dibdib. Ang sarap sa pakiramdam na makatulong, lalo na’t kasama ko si Chester sa isang adhikaing ganon kaganda. Para bang kahit may mga tanong ako sa puso ko, pansamantala silang tumahimik. Mas pinili kong damhin muna ang saya at ang koneksyon naming dalawa kaysa manghinala. Gusto ko lang muna mahalin siya nang buo—hangga’t kaya ko.
Nang in-announce sa GC ng grupo na may kasunod na ride, this time sa Batangas naman, agad akong napa-"game." Isa raw ‘tong celebration ride para sa tagumpay ng outreach. Ayon kay Chester, masayang bonding lang ‘to ng buong barkada.
"Gusto kitang makasama, love," bulong niya sa akin isang gabi habang magkausap kami sa call. "Wala ka dapat palusot ha, sinabihan ko na si Ian na ako bahala sa’yo."
"Sige na nga," sagot ko habang nakangiti. "Magle-leave na lang ako para makasama."
At ganoon nga ang nangyari.
Huwebes ng gabi pa lang ay sinundo na ako ni Chester sa Pampanga. Wala kaming kasamang iba. Sakay kami ng motor, ang paborito naming adventure machine, at diretso kaming Cavite. Doon kami nag-check-in sa isang maliit na hotel—hindi marangya pero sapat para magpahinga. First time naming magsama sa isang lugar na kami lang talaga, walang ibang ingay kundi tawa at kwentuhan namin.
Pagbagsak ko sa kama, napayakap ako sa malaki at malambot na stuffed penguin na binili niya para sa akin sa Blue Magic.
"Blanket na penguin mo ha," biro ko habang tinatakpan ang mukha ko.
"Saka ikaw blanket ko," sagot niya, sabay yakap mula sa likod.
Hindi man kami naglalagay ng label noon, pero sa bawat ganitong gabi, ramdam kong totoo. Tayo. Kami.
Biyernes ng umaga, maaga kaming bumiyahe papuntang Batangas kasama ang buong grupo. Si Ian, Melissa, at iba pang kakosa sa club ay naka-full gear na nang dumating kami sa meeting place. Masigla ang lahat, halatang sabik sa byahe at beach.
"Kyla! Hala, blooming!" bungad ni Melissa, sabay kindat sa akin.
"May dahilan yan," sabat ni Chester habang sinusuot ang helmet, sabay pisil sa kamay ko.
Nakangiti lang ako. Wala na akong ibang inisip kundi ang damhin ang bawat sandaling kasama siya.
Ang byahe papuntang Batangas ay tila mahabang panaginip—hangin sa mukha, tawa ng barkada, tunog ng makina, at ang haplos ng araw sa balat. Tumigil kami saglit para mag-coffee break at group pics. Para kaming iisang pamilya. Walang intriga. Walang tanong. Lahat masaya.
Pagdating sa beach resort, agad naming inayos ang tent area at nagpa-check-in ang iba. May mga room na pinrovide para sa core members ng club. Dahil si Chester ang leader ng ride, natural na magkakasama kami sa isang kwarto. Hindi na rin naman bago sa grupo ang closeness namin. Sa totoo lang, pinapakilala na niya akong “wifey” sa lahat.
Sa gabi, nagkaroon ng bonfire. May inuman, kantahan, kwentuhan. Iba ang saya kapag barkada. Pero ang pinakamasarap sa lahat ay yung mga sandaling tahimik. Yung nakaupo lang kami ni Chester sa tabi ng dagat, habang pinapanood ang alon na humahalik sa buhangin.
"Love..." sabi niya, habang pinaglalaruan ang mga daliri ko, "naisip mo na ba kung hanggang saan mo ko kayang mahalin?"
"Hindi ko alam," sagot ko nang dahan-dahan. "Pero hangga’t kaya ko, hindi ako bibitaw."
"Ako, alam ko," sambit niya. "Hanggang dulo, ikaw lang."
Wala akong maisagot noon. Sa puso ko, gusto kong maniwala. At sa sandaling iyon—doon sa ilalim ng buwan, sa pagitan ng alon at bituin—parang sapat na yung mga salitang iyon. Kahit may bahid ng duda sa ilalim ng puso ko, pinili kong itikom ang bibig at yakapin ang presensyang naroon sa tabi ko.
Kinabukasan, masaya ang buong araw sa beach. May volleyball tournament, banana boat ride, at boodle fight. Tawa ng tawa si Chester habang sinasandok ng kamay ang kanin na may tuyo at itlog.
"Ito ang tunay na bonding, love!" sigaw niya habang sinusubuan ako.
"Parang asawa vibes na talaga ‘to," biro ni Ian habang sumisipsip ng sabaw.
Sa loob-loob ko, oo. Ganito na kami. Magkasama. Tila walang tinatago. Tila walang mali. Pero gaya ng alon, may mga bagay talagang pilit na bumabalik. Hindi ko pa man alam noon, pero papalapit na kami sa alon ng katotohanan. At ang kwentong ito, sa kabila ng mga tawanan at biyahe, ay magbabago na nang tuluyan.
ns216.73.216.79da2